Ang Kongreso o Mababang Kapulungan at Senado ay itinuturing na hiwalay na sangay ng pamahalaan na nakasaad sa Konstitusyon.
Kaya naman may kanya-kanyang kapangyarihan at tungkulin ang mga senador at kongresista.
Tulad na lang sa pagbibigay ng prangkisa sa isang broadcast network ay kailangan ito ay dumaan sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ang ABS-CBN ay nakatakdang matapos ang prangkisa sa Marso 30, 2020 o halos dalawang buwan na lang.
Kung hindi mabibigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN ay inaasahang titigil na sa operasyon ang higanteng network.
Sana naman ay huwag masyadong magpahalata ang mga kongresista na sila ay sobrang takot kay Pangulong Rodrigo Duterte na lantarang umaayaw sa pagpapalawig ng prangkisa ng ABS-CBN.
Puwede naman na magdaos ng pagdinig ang House Committee on Legislative Franchises upang huwag masabi na sadyang inuupuan ang panukalang batas dito.
Hindi kinakailangan na mabilis na maaprubahan at ang makabubuti ay pakinggan ng mga kongresista ang ABS-CBN at ang mga tutol sa prangkisa nito.
Kahit naman aprubahan ng Senado at Kamara ang prangkisa ng ABS-CBN ay hindi naman ito lubos na magtatagumpay kung gagamitin ni Pangulong Duterte ang kanyang kapangyarihan upang i-veto o tutulan at ibasura ang panukalang pagpapalawig ng prangkisa.
Dito ay maipapakita ng mga kongresista na sila ay may sariling paninindigan at hindi natatakot sa ehekutibo na kapantay ng kanilang kapangyarihan sa gobyerno.
Puwede namang aaksiyunan ng Kongreso ang panukalang prangkisa at patunayan sa publiko na hindi sila sunud-sunuran sa Malacañang dahil sa dakong huli ay nasa Pangulo pa rin ang huling aksyon kung pipirmahan bilang batas o maaprubahan ang pagpapalawig ng prangkisa.