Mga consumer matamlay sa lagay ng ekonomiya — BSP

BSP may utang na P4.5B dibidendo sa gobyerno

Nababawasan ang kumpiyansa ng mga consumer sa ekonomiya dahil sa pagmahal ng presyo ng mga bilihin, hindi tumataas na sahod, luma­laking mga gastusin, at kakulangan ng trabaho.

Sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes, tumatamlay ang consumer outlook at bumaba ang overall confidence sa 1.3% nga­yong fourth quarter ng taon mula sa 4.6% noong third quarter.

Sabi ng BSP, mas marami pa naman ang positibo ang pananaw nga­yong fourth quarter subalit mas matamlay na ang paningin ng mga consumer sa first quarter ng 2020 at mas nababawasan pa ang kanilang kumpiyansa sa ekonomiya sa susunod na 12 buwan.

Ang Consumer Expectations Survey (CES) ay ginagawa ng BSP bawat quarter at ang pinakabagong CES ay isinagawa noong Oktubre 1-12 gamit ang master sample list ng Philippine Statistics Authority.

Umaabot sa 5,648 household nationwide ang kasama sa survey ng BSP na sinasabing mas sumasalamin sa pulso ng mga tao kumpara sa mga survey na 1,200 lamang ang sample size sa piling mga siyudad.

Sabi ng BSP, ang middle income group o ang maituturing na middle class ang pinakanawalan ng kumpiyansa subalit nabawasan din ng kumpiyansa ang mga pinakamayayaman at ang pinakamahihirap.

Dagdag pa ng BSP, nabawasan ang kumpiyansa ng mga pinakama­yayaman dahil sa hindi magandang pagtingin sa peace and order sa bansa. (Eileen Mencias)