Inamin ni Senador Sherwin ‘Win’ Gatcha­lian na maging siya ay tinangkang alukin ng ilang kontraktor para sa mabilisang pagpapalabas ng pondo mula sa Road Board.

Nangyari aniya ito noong siya pa ang alkal­de ng Lungsod ng Valenzuela kung saan mga kontraktor ang nangako na bahala nang maglakad ng papel at magpapalabas ng pondo ng Road Board para sa proyekto sa lungsod.
“Nung mayor ako ang lumalapit sa akin ay mga kontraktor at nangangako na sila na bahalang maglakad ng papel sa road board at maglalabas ng pondo at dahil kontraktor ang lumalapit ibig sabihin pati bidding ayos na,” salaysay ni Gatchalian.

Nangangahulugan aniya ito na noon pa man ay mali ang di­senyo ng Road Board at madaling lustayin ang pondo nito dahil hindi naman dumaraan sa Kongreso ang pagbusisi.

“Hindi namomonitor, ang daming COA reports, findings sa paggamit ng road board tax at lumabas dun na halos P90b ang nagkaroon ng COA findings,” diin ni Gatchalian.

Nitong Biyernes, napilitang magsalita si Pangulong Rodrigo Duterte matapos magtalo ang liderato ng Senado at Kamara sa usapin ng pagbuwag sa Road Board.

Kinampihan ni Pa­ngulong Duterte ang posisyon ng Senado sa pagbuwag ng Road Board dahil sa nababahiran lang ng korapsyon ang pondong nakokolekta mula sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC).

Dahil dito ay napilitan si House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na tanggapin ang utos ng Pangulo at isulong ang pagbuwag ng nasabing ahensiya.
“Andaya is finally in touch with reality contrary to his claim that Sec. Diokno and I were out of touch with the President in the matter of the latter’s position on the road user’s tax and abolition of Road Board,” ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo. (Dang Samson-Garcia/Aileen Taliping)