Mga dapat malaman sa community quarantine

Upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kung saan nasa 52 katao na ang tinamaan ng sakit kabilang ang 5 nasawi ay ilalagay ang buong Metro Manila sa community qua­rantine mula Marso 15 hanggang Abril 14, 2020.

Pero bago mag-panic ang taumbayan hinggil sa nasabing community quarantine, ipinaliwanag ng Inter-Agency Task Force (IATF) na pinamumunuan ng Department of Health (DOH) at ang Philippine National Police (PNP) ang ahensiyang magpapatupad nito na walang dapat ipangamba hinggil dito at ang tanging pakay lang ng gobyerno ay matigil na ang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila dahil sakaling kumalat pa ito sa ibang probinsya ay mas malala umano ang magiging kahihinatnan nito.

Simula alas-12:01 ng madaling-araw bukas, Marso 15 ay sisimulang pairalin ang community quarantine sa Metro Manila hanggang sa Abril 14 ng kasalukuyang taon.

Habang ipinatutupad ito, maghihigpit ang pulisya na siyang magbabantay ng mga entry at exit point patungo ng Metro Manila upang makontrol ang pagkalat ng virus.

Sinuspende ng gobyerno ang klase sa lahat ng antas, ipinagbabawal muna ang pagkakaroon ng malalaking kasiyahan habang ang mga pribadong kompanya naman ay hinihikayat na gawin ang work from home scheme habang patuloy ang community qua­rantine period.

Bukod dito ay bawal din muna ang pagbiyahe sa lupa, himpapawid at karagatan subalit ayon sa gobyerno ay kanila munang rerebyuhin araw-araw ang sitwasyon upang maging akma ang bawat kautusan o protocol.

Mananatiling bukas ang Ninoy International Airport (NAIA) para sa mga international flight pero kinakaila­ngang ang mga pasahero ay dapat sa Metro Manila muna maglagi habang umiiral ang quarantine habang sa mga patungo naman ng probinsya ay kinakailangan nilang dumaan sa Clark International Airport.

Tuloy pa rin ang biyahe ng mga mass transportation katulad ng Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT) at Philippine National Railways (PNR) subalit kinakailangan umano nilang sundin ang social distancing guideline o dapat ay may pagitan o tamang layo ang mga commuter sa isa’t isa at hindi sila magsisiksikan.

Sa ngayon ay nakahanda ang puwersa ng kapulisan para magmando sa mga checkpoint.

Nagpaalala si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Maj. Gen. Debold Sinas na huwag magpasaway sa halip ay sundin ang community quarantine dahil hindi sila mangingiming arestuhin ang sinumang lalabag sa kautusan. (Edwin Balasa)