Pinakita ng Dasmariñas City team ang tikas sa chess nang hakutin ang apat na gold medal sa standard event Biyernes ng hapon sa Luzon Leg ng 2019 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy qualifying sa Xentro Mall Open Lobby sa Ilagan City.
Pinisak ni Dasmariñas woodpusher Gio Troy Ventura si Eowyn Jullado ng Tayabas City sa 55 moves ng English sapat upang mag-gold sa Standard Boys 12-Under.
Lumikom ang 12-anyos ng anim na puntos sa event na pinatupad ang seven-round Swiss system at inorganisa ng PSC sa pamumuno ni chairman William ‘Butch’ Ramirez.
“Magaling din po siya kaya nag-ingat po ako sa tira ko kahit lamang ako sa pawn at oras,” masayang sabi ni Ventura na ginagabayan ni coach International Master Roel Abelgas, at unang naghari sa Rapid.
Ayon kay Abelgas, target nilang masilo ang lahat ng gold sa standard event at dahil natupad ay nagsaya ang buong team.
“Ito talaga ang hinahabol namin na mag-champion sa lahat ng standard category,” hayag niya.
Ang ibang Dasma chessers na kumalawit ng korona sa Standard ay sina Michael Concio Jr. sa Boys 15-Under, Jerlyn Mae San Diego sa Girls 15-Under at Darren Dela Cruz sa Girls 12-Under. (Elech Dawa)