Hihingin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opinyon ng mga eksperto sa siyensa bago magpasya kung aalisin o hindi ang ipinatutupad na enhanced community quarantine sa April 30.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kokunsulta ang Presidente ngayong Lunes sa mga dalubhasa sa larangan ng medisina kasama na ang mga dating kalihim ng Department of Health (DOH).

Sinabi ni Roque na siyensiya o Science ang pagbabatayan ni Pangulong Duterte sa kanyang gagawing desisyon sa harap ng kinakaharap na pagsubok ng bansa sa coronavirus disease 2019.

“Ang desisyon na gagawin ng Presidente ay dapat nakabase sa siyensia, mamayang hapon ay magkakaroon ng konsultasyon ang Presidente sa mga dalubhasa at mga espesyalista, mga epidemiologist, mga virologist at mga dating kalihim ng Department of Health,” ani Roque.

Isasaalang-alang aniya ni Pangulong Duterte ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan at ang hanapbuhay ng mga ito sa gagawing mahalagang desisyon.

“Nais po niya na gumawa ng desisyon na nakabase sa paghanap ng balanse sa obligasyon ng estado na pangalagaan ang kalusugan nating lahat at karapatan ng mamamayan na magkaroon ng hanapbuhay,” dagdag ni Roque.

Kung naiinip na aniya ang publiko dahil sa ECQ, sinabi ni Roque na ganito rin ang nararamdaman ng Presidente dahil anim na linggo na siyang hindi nakakalabas sa kanyang official residence sa Bahay Pagbabago.

“Sabi ng Presidente ay inip na ini na . Gaya ninyo hindi rin siya nakakalabas sa kanyang tahanan sa Bahay Pagbabago at ito na ang pinakamatagal na panahong ginugol niya sa Maynila mula noong panahong siya ay nag-aaral dito. Anim na linggo na po ang Presidente na hindi nakakaalis ng MalacaƱang complex at gaya ninyo, nais niya na magkaroon na ng pagbabago sa ECQ,” wika ni Roque.

Kabilang aniya sa pinagpipiliang mga option ng mga economic manager ay modified ECQ na limitado sa geographical location, depende sa mga lugar na mataas at mababa ang kaso ng COVID-19.

Isa pang opsiyon ayon sa kalihim ay nakadepende sa magiging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at mga eksperto batay sa siyensiya. (Aileen Taliping/Prince Golez )