Mga dayuhang poll observer pasanin ng Comelec

Bigyan ng proteksyon ang media

Malaki ang res­ponsibilidad na nakaatang sa Commission on Elections (Comelec) para maidaos ang maayos at payapang halalan sa Mayo 13. Hindi lang ang mga balota ang kailangan nilang protektahan kundi pati na mga poll observer na dumayo pa sa bansa para mag-obserba sa darating na midterm elections.

Babala pa ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, madali silang targetin ng terror group tulad ng Abu Sayyaf upang ipahiya ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung dadayo sila sa bahagi ng Minda­nao, hindi malayong damputin sila doon ng mga terror group at gawing tropeo.

Para mabigyan sila ng proteksyon, hiniling ni Marcos sa Comelec na maki­pagtulungan sa Phi­lippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang mabigyan ng proteksyon ang mga dayuhang poll observer.

Mahalaga din na bigyan ng kaukulang orientation ang mga dayuhang poll observer upang sa gayon ay alam nila ang parameter at mga limitasyon ng kanilang misyon. Wika nga ni Marcos, kung alam ng mga foreign poll observer ang kanilang duties and responsilibilites, magiging ligtas ang pananatili nila sa bansa.

Seryosong banta sa seguridad ang mga terror group at ayon pa kay Marcos, maaaring naghihintay lang ng tiyempo ang mga teroristang Abu Sayyaf ng kanilang mabibiktima upang makalikom ng pondo at pahiyain ang admi­nistrasyong Duterte.

Kapag nangyari ito, dagdag na sakit ng ulo ito ni Pa­ngulong Duterte. Wag naman sana.

***

Magkahalong reaksyon ang lumabas sa pagkakatalaga kay Budget Secretary Benjamin Diok­no bilang bagong governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). May mga pumabor at marami din ang kumontra.

Marami ang nabigla dahil hindi ito kasama sa mga naglulutangang pangalan na maaaring pumalit sa pumanaw na BSP governor.

Kilala siyang ekonomista, academic at civil servant pero marami itong kinasangkutang kontrobersya habang nasa DBM, tulad ng P75 insertion sa 2019 national budget at ang pagpabor umano sa balae para makakuha ng multi-milyong pisong kontrata sa gobyerno.

Hindi natin alam ang ibang rason kung bakit itinalaga si Diokno bilang BSP governor. Hangad na lang natin na pagbutihin niya ang inaatang na trabaho sa kanya.