Mga depensa ni Bato

Bukod sa panukalang 2020 national budget, abala ngayon ang Senado sa mga im­bestigasyon sa iba’t ibang kontrobersiya gaya ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law at patuloy na pagkakasangkot ng mga ninja cop sa problema ng illegal drugs.

Sentro ng mga Se­nate hearing ang Bureau of Corrections (BuCor) sa isyu ng GCTA at mga pasaway na ninja cops naman sa problema ng iligal na droga.

Ang BuCor at PNP ay parehong pinamunuan noon ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Nang pumutok ang napipintong paglaya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez, isa pa si Dela Rosa sa unang nag-comment na baka pasok na sa good behavior ang rape-murder convict.

Marami na raw siyang natanggap na report na na-transform na si Sanchez at isa na sa mga tumatayong pastor sa Bilibid.

Nang sumabog ang isyu ng GCTA, mabilis ang depensa ni Dela Rosa na hindi raw nangyari sa kanyang panunungkulan bilang BuCor chief ang kontrobersiya sa pagbibigay ng GCTA.

Nang umusad na ang mga hearing ng Senate justice committee at Blue Ribbon, lumabas na mahigit 300 inmate ang napalaya sa bisa ng GCTA noong panahon ni Dela Rosa.

Sa usapin naman ng ninja cops, kinuwestiyon pa ni Dela Rosa ang naging testimonya ni Director General Aaron Aquino ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng nakukumpiskang illegal drugs lalo na ang shabu.

Sa pagharap ni Aquino sa budget hearing ng Senado sa pondo ng PDEA para sa susunod na taon, sinabi nito na maraming pulis ang sangkot sa ‘agaw-bato’ o pag-recycle at pagbenta ng shabu mula sa mga ikinasang buy-bust ope­ration.

Dahil seryoso ang mga impormasyon ng PDEA at ni dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, humirit na ng executive session ang Senado para maidetalye ang mga impormasyon at kung sino-sino ang mga nasa likod at tumatayong protektor ng mga ninja cop.

Hindi maiaalis kay Dela Rosa na ipagtanggol at proteksiyonan ang mga institusyon na kanyang pinaglingkuran. Pero, hindi rin dapat magbulag-bulagan dahil malinaw na patuloy ang mga iligal na transaksiyon sa BuCor at PNP.

Kung merong mga report ng katiwalian bago at pagkatapos ng termino ni Dela Rosa, ibig sabihin mas kailangan ang seryosong paglilinis laban sa mga tiwali sa dalawang nabanggit na ahensiya.

Hindi man naging matagumpay ang paglilinis nito nang siya ang nakaupo sa BuCor at PNP, malaki ang maitutulong ngayon ni Dela Rosa sa gagawing mga reporma dahil alam niya ang mga kalakaran at problema sa BuCor at PNP.

Puwedeng tumulong si Dela Rosa sa pagbuo ng mga batas para maitama ang mga sistema at pagkukulang sa pamamalakad sa naturang mga ahensiya.

Ganito dapat ang peg ni Bato sa halip na la­ging defensive.

Malinaw, ang isyu dito ay ang BuCor at PNP.