Mga dep’t head ng Paranaque gov’t nag-donate ng suweldo

Hindi makakatanggap ng suweldo ang mga department heads ng lungsod ng Paranaque ngayong buwan ng Abril hindi dahil sa walang pondo ang pamahalaang lungsod.

Ito ay dahil kanilang idinonate ang kanilang sahod para ipambili ng mga pagkain, bigas at iba pang pangangailangan ng mga mahihirap sa 16 na barangay ng lungsod na apektado ng Covid-19 krisis.

Kung susumahin ang mga sahod ng may 15 department head sa isang buwan, aabot ito sa P2 milyon, ayon kay city treasurer Dr. Anthony Pulmano na nagpasimuno ng `Bayanihan’ para makalikom ng pondo at makatulong sa krisis.

Nauna rito, nag-donate din si Mayor Edwin Olivarez ng P10 milyon mula sa kanyang bulsa na ipinambili ng SM gift certificate para ipamahagi sa mga tsuper ng pedicab, tricycle at public utility jeep na nawalan ng mga trabaho nang ipinatupad ang lockdown.

Bukod sa mga department head, nag-donate din ni Vice Mayor Rico Golez, city administrator Ding Soriano at ABC president Cris Aguilar ng kanilang isang buwang sahod para karagdagang pondo ng lokal na pamahalaan ngayong krisis.

‘Sa kasalukuyan, batid namin na hindi pa rin sapat ang pondo ng national, ng lungsod at ng bawat barangay para matulungan ang daan-daang mahihirap ng pamilyang sa lungsod apektado ng COVID-19 kaya hindi naming kukunin ang maning mga sahod ngayon buwan,” ani Pulmano.

Inanunsyo ni Olivarez ang pagpalawak ang programa sa amelioration para sa mga middle class sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga libreng bigas at face mask sa mga pribadong subdibisyon. Ito ay upang maibsan ang kahirapan sa ekonomiya na dala ng pandemic.