Mga doktor, nurse sa HK nagbantang mag-aaklas: Border sa China gustong ipasara

Nagbanta ang mga doktor, nurse, ­specialists at hospital support staff na magpo-protesta sa pamamagitan ng hindi pagpasok kapag ­hindi ipinasara ang mga border ng Hong Kong sa mainland China.

Ilan sa mga nurse ang nagsagawa na ng ‘di awtorisadong ‘sick leave’ bilang protesta sa ­hindi pagtugon sa kanilang kahilingan o kawalan ng aksiyon ng mga Hong Kong official na isara ang mga border.

Sa panayam ng local radio station ay ­napaluha si Hong Kong Secretary for Health and Food Sophia Chan broke habang nakikiusap at hinihimok ang mga doktor at nurse na manatili sa kanilang mga trabaho.

Batid naman aniya ni Chan ang ­nararamdaman at labis na stress ng ­medical staff sa Wuhan ­coronavirus outbreak ­subalit kailangan umanong gampanan ng mga ito ang kanilang trabaho. “I’m worried about the ­emotions of health care ­workers.”

Nais ng mga hospital sa lungsod na makapagtayo agad ng ‘isolation wards’ dahil sa sobrang dami ng kaso na umaabot na sa mahigit 700, kung saan dose-dosena na ang nakumpirmang pasyente na nahawahan ng virus nitong katapusan ng Enero.
Isa sa nakumpirmang may kaso ng ­coronavirus sa Hong Kong ay sa Queen Elizabeth Hospital kaya nangangamba ang mga health worker na posibleng dumagsa pa ang mga pasyente.

Dahil rito ay libu-libong miyembro ng Hong Kong Hospital Authority Employees Alliance na hindi sila papasok sa kanilang trabaho simula ngayong Lunes (Pebrero 3) kung hindi isasara ang lahat ng border. (Dolly Cabreza)