Talagang napakalaking pag-aabala ang kinakailangan sa pagtatayo ng isang negosyo.
Malaking bahagi ng masalimuot na proseso sa pagsisimula ng kabuhayan ay ang mga paperworks o paglalakad ng mga kinakailangang dokumento sa pagpaparehistro ng bubuksang negosyo.
Huwag mawalan ng loob dahil sumusunod ang step by step na proseso sa pagpaparehistro ng sariling negosyo (sole proprietorship):
Magparehistro sa Department of Trade and Industry (DTI). Kinakailangang makapag-secure ng Business Name Registration Certificate mula sa DTI office na nakakasakop sa lugar kung saan itatayo ang planong negosyo.
Ang katibayang ito ay balido sa loob ng limang taon. Mga requirements: 1 valid (government-issued) ID, 2 kopya ng Accomplished Business Name Registration Form, registration fee na depende sa nasasaklaw ng business name na ina-apply (barangay-P200, municipal-P500, regional-P1000, national-P2000), at documentary stamp tax na nagkakahalaga ng P15 bawat pagpapa-issue.
Mag-apply ng business permit. Kailangang magkamit ng business permit mula sa munisipyong nakasasakop sa lugar kung saan itatayo ang negosyo. Kumuha rin ng clearance mula sa mga kinauukulang ahensiya ng inenegosyong produkto (FDA kung mga cosmetics ang produkto, DENR kung mga woodcrafts).
Mag-secure ng mayor’s permit na valid sa loob ng isang taon kunsaan ang requirements naman ay DTI/SEC registration, certificate of Incorporation, cedula, barangay clearance, location clearance, certificate of occupancy, building permit, fire safety/inspection permit, electrical inspection permit, kontrata, litrato o sketch ng site, at SSS registration.
Magpatala sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Kailangang rehistrado sa BIR Revenue District Office kung saan nakatayo ang negosyo upang maging awtorisadong magbigay ng resibo sa ilalim ng business name na ina-apply (balido sa loob ng isang taon).
Mga requirements para dito ay: Application ng employer’s TIN number (ihanda ang birth certificate o anumang valid ID na magpapakita ng ngalan, address at kaarawan) at application for authority to print receipts (nagkakaiba ang requirements depende kung rehistrado nang taxpayer o bagong taxpayer pa lamang).
Iba pang mga kinakailangang rehistro. May iba pang kinauukulang pagpapatalang kailangan alinsunod sa batas gaya ng pagbibigay ng government benefits para sa mga empleyado gaya ng SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, DOLE at DENR.
Hindi na dapat ma-discourage sa abalang idudulot ng pag-aayos ng mga papeles para sa negosyo dahil sa mga nabanggit.
Ang lahat nang pag-aasikasong gagawin ay para rin naman sa kapakanan ng nagmamay-ari ng kabuhayan at pati na rin sa mga taong employed sa negosyong bubuksan.