Ikinatuwa ni House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tablahin ang cash-budgeting system na itinutulak ng mga economic manager.

Kinumpirma ng Malacañang na pi­nirmahan ni Pangulong Duterte para ganap na maging batas ang Joint Resolution No. 3, na nagpapalawig sa 2018 budget sa loob ng isa pang taon.

“We laud the President for this decision. We, in the House of Representatives, firmly believe that the implementation of the cash-budgeting system is premature. Government agencies have yet to fully grasp the mechanics of implementing such a system,” pahayag ni Andaya.

Bunsod nito ay magkakaroon na ng dalawang paghuhugutan ng pondo para ngayong taon 2019 habang hindi pa naaaprubahan ng Kongreso ang 2019 national budget.

Nauna na umanong nagbanta si Budget Secretary Benjamin Diokno na mabi-veto ang resolution pero dahil hindi nangyari ang hirit nito, kinakaila­ngang irespeto ng mga economic ma­nager ang desisyon ng Pangulo, ayon kay Andaya.

Nakasaad sa Joint Resolution No. 3 na palawigin pa ng isang taon ang pondong inilaan para sa Maintenance and Other Operating Expenses at capital outlay sa ilalim ng 2018 national budget.