Mga empleyado ng PSC nagsilbi ring frontliners

Hindi matatawaran ang pagtulong na ginagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa paglabang masugpo ang nakamamatay na coronavirus disease 2019 o COVID-19 kung saan ilang mga empleyado nito’y nagsisilbing mga frontliner sa Ninoy Aquino Stadium at Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.

Ang mga frontliner ng dalawang pasilidad ng government sports agency ay pinamumunuan ni PSC Assistance and Coordination Division Chief Manuel ‘Manny’ Bitog, na umaasiste sa Department of Heathl (DoH) na nangangalaga sa mga probable at suspected patient ng COVID-19.

Una nang ipinaubaya ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pagpapagamit ng mga bagong NAS at RMC bilang mga quarantine facilities para sa mga pasyente ng coronavirus pandemic.

Inaasahang mabubuksan na rin ang isa pang PSC facility – PhilSports Arena sa Pasig City – para gamitin din munang quarantine areas.

Kaugnay nito, tuloy naman ang monthly allowances ng mga athlete at coach mula sa PSC kahit may enhanced community quarantine (ECQ).

Ito ay matapos garantiyahin ng PSC na patuloy nilang makukuha ang kanilang monthly allowance mula sa ahensiya ng sports kahit na pinalawig ang pagpapatupad ng ECQ.

Maging ang mga nagtatrabahong kawani ng ahensya ay may sahod tapos pahabain ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Luzon lockdown hanggang Abril 30. (Lito Oredo)