agatha nairita!
Hindi lamang si wushu artist Agatha Wong ang biktima ng hindi pagbibigay ng mga discount at implementasyon ng batas na para sa mga pambansang atleta.
Marami nang mga miyembro ng pambansang koponan ang napagsabihan sa kawalan ng saysay ng probisyon sa National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act o Republic Act 10699 na nagbibigay sa national athletes ng 20 percent discount sa iba’t ibang establisimyento tulad ng restaurants, sinehan at maging sa pagbili ng gamot.
Una na itong inihayag ni triathlete Nikko Huelgas, na huling tinanghal na 2017 SEA Games gold medalist sa triathlon at nakaupo bilang chairman ng Athletes Commission sa Philippine Olympic Committee (POC), dahil sa maraming kaso at reklamo ng mga pambansang atleta hinggil sa kawalan ng atensiyon sa bansa ng publiko.
“We have put the issue on the table before, because to us like athletes, and students, it will be a big help for us as we need to have our body with vitamins, good food and things that we need as we train, but nothing happens,” nasabi lamang ni Huelgas.
Hindi naman naiwasan ni Wong, na winalis ang dalawang nakatayang gintong medalya sa kanyang event sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games na ireklamo ang situwasyon sa kanyang Twitter account.
“Can we make R.A. 10699 on the national athlete’s discount benefits an imposed and required law to abide by?” sabi ni Wong sa kanyang Twitter.
“Gets quite annoying to keep having to explain to managers that this kind of benefit actually exists and some are even doubtful. U think amalayer?”
Ikinadismaya ni Wong ang nangyari habang kasama nito ang kanyang pamilya sa isang restaurant at nakadiskusyon ang manager ng establisimyento na hindi nakakaalam sa nakasaad sa batas.
Hindi lamang unang pagkakataon na naganap kay Wong ang pagkakapahiya sa paghingi ng nasabing discount.
“I did not reply. It wasn’t the first time I was denied of my right to a discount, so I just let it go. We just paid the bill and left,” sabi lamang nito. (Lito Oredo)