Hindi pa tapos ang pagdiriwang ng University of the Philippines Fighting Maroons dahil ilang dating manlalaro nito ang bumati sa koponan.
Nasungkit ng tropa mula Diliman ang huling spot sa Finals ng men’s basketball ng UAAP Season 81 nang maalpasan sa overtime ang Adamson Soaring Falcons, 89-87, Miyerkoles ng gabi.
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 32 taon na muling nakatuntong sa Finals ang UP ng nasabing torneo.
Ilan sa mga dating manlalaro nito ang nagpaabot ng pagbati sa Fighting Maroons gaya nila Jett Manuel na nag-tweet ng, “WHAT A GAME!!! Happy beyond words!!! This is what the UP Community deserves!! #UPFight.”
Si Muntinlupa Cagers player Dave Moralde ay simpleng tineweet ang UP Hymn na, “UP NAMING MAHAL!! #UAAPFinals.”
Maging si dating foreign center Ibrahim Ouattara ay hindi rin napigilang mag-tweet ng Tagalog sa sobrang kagalakan.
“Exempted na kayo? Awwww sayaaanng. TAYO HINDEEEEE #Finalsbound #proudoftheboys #UPFIGHT #NOWHERETOGOBUTUP.”
Magsisimula na sa Sabado ang tinaguriang “Battle of Katipunan” sa pagitan ng Ateneo Blue Eagles at UP Fighting Maroons.