Mga fan masaya sa paramdam ng Navy

Go For Gold riders pedal sa 12 UCI race

Napasaya ng Standard Insurance-Navy ang kanilang mga fan makaraang magpatuloy ang kanilanng dominasyon sa LBC Ronda Pilipinas 2020.

Umeksena si two-time champion Jan Paul Morales matapos sikwatin ang Stage 6 kahapon na nagtapos sa Recreation Center sa Tarlac City.

Ayon kay Elena Castillo labis ang saya ng kanilang grupo dahil sa sunod-sunod na panalo ng Standard Insurance-Navy.

“Noong una kinakabahan kami kasi hindi nagpaparamdam ang Navy sa unang tatlong stage, pero noong nanalo sila sa Stage 4 ay nag sunod-sunod na,” masayang sabi ni Castillo na taga-Cabanatuan.

Hinablot ng Navy ang tatlong sunod na stage, una si Ronald Lomotos (Stage 4), pangalawa si John Mark Camingao (Stage 5) at pangatlo si 2016-17 back-to-back champion Morales.

Nirehistro ni 34-year-old Morales ang dalawang oras, 34 minuto at 58 segundo sapat para angkinin ang 111.9km race sa event na inorganisa ng LBC at pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation.

Lalong tumibay ang asam ng Navy na masilo ang overall team at individual clasification.

Hawak pa rin ni George Oconer ang individual habang umalagwa sa team classification ang Standard Insurance. (ED)