Mga fixer sa LTO ariba pa rin

Kahit anong pag­li­linis ang gawin sa mga ahensiya ng gobyerno ay hindi pa rin ganap na naaalis ang mga salot na tila lintang nag­sa­samantala sa mga ordinaryong mamamayan.

Tila nakaugat na sa sistema ng buruk­­rasya ang korap­s­yon dahil kahit nag­papatupad na ang administrasyon ng mga paghihigpit at pagbabago sa sistema para maalis ang red tape ay tila balewala lang ito sa mga opis­yal at kawani ng gobyerno.

Bagama’t may mga nasasampulan na ang mga anti-corruption agency ay marami pa rin ang natutukso sa kaway ng salapi.

Kagaya na lamang nitong isang sangay ng Land Transportation Office (LTO) sa Lungsod ng Maynila, mistulang bangaw ang mga fixer na sumasalubong sa mga may transaksiyon sa nabanggit na tanggapan at tinatanong kaagad kung ano ang sadya sa LTO.

Para silang mga imbestigador sa ka­ta­tanong at pangungulit lalo na kapag nalamang first time na kukuha ng lisensiya.

Ang siste ng mga kumag, kunwari ay aalalayan sa par­king ang isang may transaksiyon at ha­bang nasa par­king area ay aalukin na ito para sa mas mabilis na transaksiyon at sila na ang bahalang mag-ayos kapalit ang tamang presyo.

Nagtataka lang ako kung bakit pinapayagan ng mga LTO official ang mga fixer sa kanilang tangga­pan gayong kung tutuusin ay wala namang business ang mga ito dahil hindi naman sila kawani ng gobyerno.

Sa pagkakaalam ko, ipinagbabawal sa mga ahensiya ng gobyerno ang paglabas-masok ng mga sibil­yang wala namang transaksiyon sa isang tanggapan ng pamahalaan.

At ang mas la­long nakapagtataka, mabilis ang usad ng papeles sa mga nilalapi­tang mesa kaya hindi maiwasang mag-isip na may ‘cut’ o kita ang mga nagpopro­sesong kawani ng gob­yerno.

Nito lamang nakalipas na buwan ay dumalaw sa LTO ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) para tingnan kung mabilis o mabagal pa rin ang sistema sa kanilang serbisyo kaya nagpakitang gilas ang mga ito.

Pero ang hindi nakita ng mga PACC official ay ang mga fixer na agad nangawala dahil natimbrehan sila ng mga kasabwat sa loob ng ahensiya.

Sana ulitin ni PACC Commissioner Greco Belgica ang sorpresang pagdalaw para makita kung ano ang tunay na nangyayari sa ordinaryong araw na operasyon ng ahensiya, kasabwat ang mga fixer na nagsasamantala sa mga tao.

At para naman sa mga opisyal ng LTO, seryosohin ang paghihigpit dahil baka kayo ang susunod na mahagip ng ngitngit ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag napatunayang wala ka­yong ginagawa laban sa mga fixer na labas-masok at gumagala sa inyong mga tanggapan.