Gigisahin ng Senado ang mga miyembro ng gabinete tungkol sa 29 kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at China kapag sinimulan ng kapulungan ang pagdinig sa 2019 national budget sa susunod na buwan.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, kanilang kikilatisin ang mga responsable sa 29 na kasunduan sa China na nilagdaan sa state visit ni Chinese President Xi Jinping sa bansa kamakailan.

“If the Senate will start floor debates on the 2019 national budget next month, then the particulars of any or all of the 29 Philippine-China deals signed du­ring Chinese President Xi Jinping’s state visit may be asked of the Cabinet member who signed the deal, or whose agency is responsible for implementing the agreement,” sabi ni Recto.

Ilan aniya sa mga nakahandang katanu­ngan para sa mga mi­yembro ng gabinete ay ang potensyal ng mga nilagdaang kasunduan sa usaping ekonomiya.

Bubusisiin rin ng Senado ang pinansiyal na isyu sa mga pinasok na kasunduan kung ito ba ay magreresulta sa pagkakautang ng bansa o nangangailangan ng budgetary counterpart sa panig ng Pilipinas.

Ayon kay Recto, may kapangyarihan ang Senado na kuwestiyunin sa panahon ng deli­berasyon ng national budget ang 29 bilateral agreement sa China upang masiguro na magbebenepisyo at hindi malulubog sa utang ang Pilipinas.