Dumadagundong ang pagbabanta ng isang umano’y pulis na landowner sa Pasay laban sa kanyang mga tenant na pinaalis habang may COVID-19 lockdown.
Sa isang video na pinost ng Facebook page na Solo ride ph, makikita ang pagtatalo ng isang lalaking naka-camouflage uniform at mga naka-mask na residente.
Bumunot pa ng baril ang nauna, na inawat naman ng kanyang mga kasamahan.
“P*tangina n’yo! Ilan kayo rito? Gusto n’yo kasuhan ko kayo? P*tangina n’yo binabastos n’yo anak ko, sinasagot-sagot ninyo,” ang maririnig na bigkas ng nakaunipormeng lalaki.
“Hoy mga g*go, anim na bahay ko rito; hindi lang ito. So marami akong kamag-anak: isang utos ko lang, kuyog na kayo! May pa-barangay barangay pa kayo! Mga buraot kayo, kayo na nga ‘tong nakakaperwisyo, ako pa ‘yung sasagut-sagutin ninyo! Dati na akong g*go bago pa ‘ko naging pulis kaya kayang-kaya ko kayong sabayan,” litanya pa nito habang maririnig ang pag-iyak ng isang babae.
Ang nasa April 12 na video, ayon sa caption ng post, ay ang pulis na may-ari ng inuupahan nilang bahay sa Barangay 145, Pasay City.
Kwento ng nag-post, pinalayas sila sa bahay habang may mahigpit na enhanced community quarantine. Dahil wala pang public transport ay nilakad anila nila mula Pasay patungong Antipolo.
Nang magbalik sila upang kunin sana ang naiwang gamit, ngayong general community quarantine, nalaman nila mula sa mga kapitbahay na pinagtatapon na ang ilan sa kanilang mga gamit.
Ang mga natira pa ay makukuha lang daw kapag makapagbayad sila ng 2 buwang upa.
Nabatid na nakatalaga sa Police Community Precinct 5 ang hindi pa pinangalanang pulis, sinibak na rin umano ito sa kanyang puwesto, ayon kay Col. Ericson Dilag, Pasay City chief of police.