Mga gamit sa eskuwelahan ninenok ng bakwit

Pinatira na nga ay nagawa pang tangayin ng 28-anyos na evacuee ang mga gamit sa loob ng silid-aralan sa Bacoor City, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Bacoor City Custodial Center ang suspek na si Judel Desio, tubong Bauagn, Mindanao at residente ng Villa Esperanza, Molino 2, Bacoor City, Cavite nang ireklamo ito ni Martann Lustado, 40, isang Teacher ng Bayanan Elementary School sa Barangay Bayanan, Bacor City, Cavite.

Sa ulat ni Corporal Edilberto Reyes Jr., ng Bacoor City Police Station, dakong alas-7:10 noong Linggo ng gabi nang ipaalam ng Principal ng Bayanan Elementary School sa Bacoor CPS na nawawala ang dalawang unit ng electric fan na nagkakahalagang P2,400 sa loob ng silid aralan ng Grade 1 matapos na natuklasan ni Teacher Lustado.

Sa isinagawang imbesigayon ng pulisya, lumalabas na pinasok ni Desio ang loob ng silid-aralan saka tinangay ang dalawang unit ng electric fan na nagresulta naman sa kanyang pagkakaaresto.

Nabatid na si Desio ay kabilang sa mga evacuees na pinatira sa nasabing eskuwelahan. (Gene Adsuara)