Mga gamot ng ‘El Shaddai’ hinarang ng FDA

Pinayuhan ng pamunuan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili at paggamit ng mga hindi rehistradong gamot.

Sa ipinalabas na report ng FDA, ang kanilang tinukoy na gamot ay ang mga sumusunod: Dragon Oil 12mL, El Shaddai Sunshine Ugat Menthol Oil, El Shaddai Sunshine Ugat Pepper Mint Oil at Ugat Ginger Pain Reliever.

Base sa post-marketing surveillance ng FDA, hindi dumaan sa tamang proseso ng pagpaparehistro o walang certificate of product registration ang mga nabanggit na produkto.

Batay sa FDA Act of 2009, mahigpit na ipi­nagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi at promosyon ng mga produktong walang awtorisasyon ng ahensya.
Sinabihan din ng ahensya na bawal ang pagbebenta at pag-advertise ng naturang mga produkto hangga’t hindi pa ito nakakakuha ng certificate of registration.

Kayat pinayuhan ng FDA ang publiko na iwasan ang pagbili ng mga nasabing gamot. (Armida Rico)