Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno na sabay-sabay nilang isapubliko ang kanilang bank account.
Sinabi ng Pangulo na sa pagkakataong ito ay payag na siyang ilahad sa publiko ang kanyang bank account, pero dapat na buksan din ng lahat ng mga nasa gobyerno ang kanilang libreta de banko.
Ayon sa Pangulo, sinadya niyang hindi pinabuksan ang kanyang bank account noong inakusahan siya ni Senador Antonio Trillanes IV na mayroon siyang bilyon-bilyong piso sa banko dahil ayaw niyang magmukhang uto-uto.
Pero panahon na aniya para magkaalaman kung sino-sino ang may itinatagong yaman sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno.
“Tignan mo siya. Anong nagawa ni Trillanes. Wala si Duterte mil… Ay p****. Hindi ko buksan ‘yan. Kasi inuuto-uto mo ako. But there is a law. Mayroong bagong law ‘yan eh. Prino-propose nila. Pero sinabi ko doon, I only go with this if we open our bank accounts, all of us sa gobyerno. Ayan, panahon na. Ayon kay ako na mismo ang nagsabi buksan ko. So ipakita ko sa inyo,” anang Pangulo.
Matatandaang ang bank account ni Pangulong Duterte ang isa sa pinagdiskitahan ni Trillanes noong maupo ito sa puwesto.
Subalit hindi naman napatunayan ng senador ang bintang na mayroong malaking pera sa bangko ang Pangulo, kabilang na ang iba pang miyembro ng pamilya nito.