Ibinagsak na ang presyo ng mga gulay na galing sa Benguet, ngunit dahil sa sobrang supply nito marami sa mga ani ang nabulok at itinapon na lamang.
Ayon sa Department of Agriculture, nagkaroon ng oversupply ng gulay sa Cordillera dahil sa magkakasabay na pag-ani matapos ang pananalasa ng bagyong Usman noong Disyembre nang nakaraang taon.
Paliwanag ni Secretary Emmanuel Piñol nangyari umano ito dahil tumanggi ang mga trader na bilhin ang mga gulay na dinala ng mga magsasaka sa Benguet Vegetable Trading Center dahil hindi nila madadala ang mga iyon sa Bicol at Visayas dahil sa pagbaha at landslide.
Dahil dito, nalugi ang mga magsasaka na nangutang pa para sa mga pananim na iyon, sa ilalim ng Production Loan Easy Access credit program ng Department of Agriculture.