Mga guro binalaan sa electioneering, partisan politics

Nagbabala kahapon ang Department of Education (DepEd) sa kanilang mga opisyal, mga tauhan at mga guro laban sa electioneering at partisan political activities dahil sa nalalapit na pagdaraos ng May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, dapat na manatiling patas at walang kinikilingan ang kanilang mga tauhan sa buong panahon ng election period sa bansa.

Mahigpit ang naturang habilin ni Briones sa kanyang mga tauhan, kasunod na rin ng pagpapalabas nito ng DepEd Order No. 48 series of 2018, na salig sa ipinalabas na panuntunan ng Civil Service Commission (CSC) at Commission on Elections (Comelec).

Nakapaloob sa naturang kautusan ang mga ipinagbabawal na aktibidad para sa nalalapit na halalan.

Nabatid na kabilang sa mga hindi papayagan ang pagtatatag ng mga grupo, organisasyon, komite at iba pa na naglalayong humingi ng boto at mangampanya pabor at laban sa isang kandidato.

Bawal din ang mag-anunsiyo, magkomento, magtanong at maglabas ng campaign materials para sa mga kandidato.
Hindi rin pinapayagan ang pagtanggap ng anumang kontribusyon mula o para sa isang politiko.