Hinikayat ng isang pari ang mga guro na magkaisa at itaguyod ang Catholic education sa bansa sa pamamagitan ng pagtuturo ng good news para malabanan ang mga nagpapakalat ng fake news.
Sa idinaos na general assembly sa archdiocese ng Maynila, sinabi ni Fr. Nolan Que, regional trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), na kailangang nakaugat sa misyon ng Simbahan na paghahayag ng mabuting balita ang kanilang maging pagtuturo.
Aniya, dapat maging kasangkapan ang mga guro sa paghahayag ng good news upang maiwasan at mapigilan ang pagkalat ng fake news na isa sa mga sumisira sa tao at sa lipunan.
“We have to announce good news. Fake news is never good news. ‘Yung paninira ay hindi na dapat i-like. Kapag may siniraan ang isa, huwag mo nang ipasa sa iba. Otherwise the pain continues,” pahayag ni Fr. Que.
Aminado naman si Fr. Que na sa paggawa nito ay kailangan ding dumanas ng paghihirap ang mga guro.
Gayunman, iginiit nito na dahil sa sakripisyo ng pagsisilbi sa mga mag-aaral ay tiyak na papalitan ito ng Diyos ng kaligayahan.
Ang Roman Catholic Archbishop of Manila Educational System ay samahan ng 28 Catholic school mula sa Maynila, Mandaluyong, Makati at San Juan City. (Mia Billones)