Pinalagan kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang panukalang pagpapatupad ng reenacted budget para sa taong ito dahil masasapul umano nito ang mga gurong uuwing luhaan at walang honoraria mula sa maghapong pagtatrabaho sa araw ng eleksyon.

“We don’t think that a reenacted budget at this time would be innocuous from the point of view of elections,” ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.

Iginiit ni Jimenez na magkakaroon ng seryosong epekto sa paghahanda ng eleksyon kung hindi aaprubahan ng Kongreso ang panukalang budget para sa taong ito.

Ipinaliwanag niya na wala naman sa 2018 budget ang honararia para sa mga guro kaya tiyak na luhaan at nganga ang mga gu­rong magtatrabaho sa araw ng eleksyon.

“If the budget is not enacted, we will not be able to get source or funds for that (honoraria of election wor­kers). We won’t have any money to pay the teachers,” dagdag ni Jimenez.

Kasabay nito, nanawagan si Jimenez sa Kongreso na gawing prayoridad ang gagamiting budget ng komis­yon para sa idaraos ng eleksyon sa Mayo.

Umaabot aniya sa P3.2 bilyon ang kaila­ngan para sa honoraria ng mga guro sa buong bansa pero binigyan lang aniya ang Comelec ng P1.9 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program.