PINAKILOS ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na gamitin ang kanilang military trucks para sunduin ang mga stranded na health worker na naapektuhan sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Nakarating sa Palasyo ang dinanas na kalbaryo ng mga health worker at iba pang manggagawa sa unang araw ng enhanced community quarantine kaya agad na kinausap si Defense Secretary Delfin Lorenzana para saklolohan ang mga ito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na gagamitin ang military trucks na pangsundo at panghatid sa mga health worker sa kanilang trabaho at pauwi sa kani-kanilang trabaho pagkatapos ng trabaho.
“Secretary Delfin Lorenzana swiftly directed the AFP to bring out their army trucks to ferry those who are stranded, particularly health workers and other individuals exempted from the ban, so they can be safely brought to their places of work and their himes after work,” ani Panelo.
Ipinarating din aniya ng Palasyo sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang parehong problema na agad namang inaksiyonan ni MMDA Chairman Danilo Lim.
Ilang bus companies aniya ang magbibigay ng libreng serbisyo para masakyan ng mga manggagawang exempted sa home quarantine.
Kabilang sa mga bus company na magbibigay ng libreng sakay para sa mga health worker at iba pang manggagawa habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine ay ang West Cavite Philippine Bus Operators Association, isang transport cooperative, at Jasper Bus Liner.
Sinabi ni Panelo na ang mga units ng nabanggit na bus company ay lalagyan ng logo ng MMDA para alam ng mga awtoridad na para ito sa mga manggagawang kailangang magtrabaho sa gitna ng health crisis.
Pinapurihan ni Panelo ang nabanggit na mga bus companies dahil sa kanilang kabayanihan, kasama na rin ang AVIS Philippines na nag-alok ng sakay para ihatid sa airport ang mga pasaherong palabas ng bansa, gayondin ang mga umuwing pasahero para maihatid sa kanilang tahanan bago matapos ang palugit na 72 oras.
“We commend these bus companies for their bayanihan spirit. Everyone is called upon to rise to the challenges of these dangerous and extremely difficult phase of our history as a nation,” dagdag ni Panelo.
Kasabay nito sinabi ng kalihim na binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinapatupad na mga aksiyon ng mga awtoridad sa enhanced community quarantine at personal na tiningnan ang ipinapatuapd na checkpoint sa pagitan ng McArthur Highway sa Valenzuela City at Caloocan City.
Magtutuloy-tuloy aniya ang pag-asses sa sitwasyon sa panahong umiiral ang quarantine sa buong Luzon dahil sa COVID-19.
Sa Pasig City, pinayagan ni Mayor Vico Sotto ang paglabas sa kalsada ng mga tricycle para isakay ang mga naipit na health worker.
Ngunit ayon naman kay Makati Mayor Abby Binay, hindi lang mga health worker ang naipit sa travel ban kundi na ang mga nagtatrabaho sa mga bukas na grocery, botika at bangko.
Pinahinto ng gobyerno ang operasyon ng MRT, LRT, PNR, mga pampasaherong bus, jeep at tricycle sa panahon ng enhance quarantine. (Aileen Taliping/Prince Golez)