Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging mahilig sa regalo. Mahilig tayong mamigay ng mga regalo at gustong-gusto rin natin na nakakatanggap nito. Pero bago ka bumili ng ireregalo ngayong pasko, basahin mo muna ito para maiwasan mo ang pagbili ng mga bagay na hindi mo dapat iregalo.
1. Sapatos. Kung hindi pa kayo mag-asawa, huwag mong reregaluhan ng sapatos ang iyong boyfriend o girlfriend dahil ayon sa pamahiin kapag ito ang iyong ibinigay, malaki ang posibilidad na magkahiwalay kayo. Ang couple na hindi pa nagsasama ay paglalayuin ng tadhana at tutungo sa magkaibang direksyon.
2. Panyo. Kung panyo ang mapipili mong panregalo, ito ay nangangahulugan na ang niregaluhan mo nito ay iyong paluluhain. Kung hindi man ikaw ay ibang tao ang magiging dahilan ng kanyang pagluha.
3. Matalim na bagay. Ang halimbawa nito ay gunting at kutsilyo. Kung ito ang iyong naisip ibigay, ilalagay mo lamang sa kapahamakan ang iyong mahal sa buhay.
4. Babasagin. Kung ang naisip mo namang iregalo ay babasagin gaya ng salamin, frame at baso, kapag ito ay nabasag ang relasyon mo sa kanya ay mababasag din.
5. Pabango. Hindi rin maganda ang magregalo ng pabango sa iyong mahal dahil tulad ng amoy nito na nawawala rin ay mawawala rin ang pagmamahal niyo sa isa’t isa.
6. Itim na damit. Kung damit ang gusto mong iregalo sa kanya, piliin mo ang masigla at buhay na kulay at huwag ang itim. Dahil ang itim ay nangangahulugan ng kalungkutan at pagdating ng araw ay pupuntahan mo ang burol ng iyong niregaluhan.
Ito ay mga pamahiin lamang na maaari nating paniwalaan at maari rin namang hindi.