Nais ni reelectionist Senator Sonny Angara na i-upgrade ang mga pasi­lidad ng mga pampublikong ospital sa buong bansa at dagdagan pa ang hospital bed capacity dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga pas­yente bunga ng Universal Healthcare (UHC) Law.

Ang naturang batas na kailan lamang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magbibigay ng libreng check-up at laboratory test kaya inaasa­hang ang pagdagsa ng mga pasyente sa mga ­ospital ng gobyerno upang maging bahagi ng programang libreng serbisyong medikal.

“Para naman tiyak na matulungan natin ang mga pasyente, dapat ay may mga karagdagan ding hospital beds ang government hospitals. ­Tiyak na darami ang mga pasyente ngayong naipasa na ang UHC Law,” saad ni Angara.

Gayunman, idinagdag ni Angara na maisasakatuparan lamang ito kung agad ding bibigyan ng kapangyarihan ang Department of Health (DOH) na kumilos at gumawa ng paraan para madagdagan ang bed capacity ng mga pampublikong ospital.

Isinusulong ni Angara ang Senate Bill No. 1682 para hindi na dadaan pa sa Kongreso ang mga pa­ngangailangan ng mga ospital ng gobyerno bagkus ay ipaubaya na lamang sa desisyon ng DOH.

Sa kasalukuyang sistema kasi ay maaari lamang makapag-request ng dagdag na hospital bed ang DOH para sa mga pampublikong ospital kung idadaan muna ito sa pagsasabatas ng Kongreso.

Ito ang nais baguhin ni Angara dahil apektado aniya sa ganitong paraan ang mga pasyente at maaari pang maging limi­tado na lamang ang tulong na makukuha nila sa mga government hospital. (Dang Samson-Garcia)