Mga iligal na kubol sa Bilibid giniba

Nagsanib-puwersa sa isinagawang demolisyon ang mga tauhan ng Bureau of Correction, Natio­nal Capital Region Police Office, Armed Forces of the Philippines, NCR-Bureau of Fire Protection Philippines Drug Enforcement Agency, Department of Publics Works and Highways at Special Weapons and Tactic Unit iba pang ahensya sa mga iligal na itinayong mga kubol sa Maximum Security Compound sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Dakong alas-10:00 nang umaga kahapon nang umpisahan gibain ang mga kubol na pina­ngungunahan ni BuCor Director Gerald Bantag, at NCRPO director Police Maj. General Guillermo Eleazar kabilang ang may 1,000 nakibahagi dito mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Gamit ang iba’t ibang equipment ang mga pinag-gigibang mga kubol ng may ilang libong mga inmate sa NBP.

Nasa 65 na personnel ang ang gumiba sa mga kubol sa loob ng nasabing piitan gamit ang backhoe, breaker, 4 na units ng dump trucks, 1 boom truck, isang air compressor, dalawang jack hammer, 1 oxy acetylene, isang payloader, 2 unit ng backhoe loader at 2 unit ng bulldozer.

Ang nasabing demolisyon ay bahagi ng reporma ng bagong administrasyon ng BuCor na nanumpa at nangako na patatagin ang paglilinis sa loob ng pambansang piitan.

Ayon kay Bantag, kasamang giniba ang mga illegal structure kung saan sila nagtatago habang gumagamit ng mga cellphone at iba pang mga ipi­nagbabawal na kagamitan sa loob ng Bilibid.

“Hindi awtorisadong istruktura sa loob ng pali­gid ng NBP ay ang nakikitang sanhi ng katiwalian at hindi pantay na rehabi­litation treatment sa Person Deprived of Liberty (PDL),” ani ni Bantag.

Sinabi pa ni Bantag na tutulong na rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang isinasagawang clearing operation sa loob ng NBP Maximum Security Compound.

Sa isinagawang demolisyon, nakakumpiska ng ilang mga illegal na droga, mga sandata, sex toy, iba’t ibang uri ng appliances, tulad ng television, refrigerator at mga bogkos na pera. (Armida Rico)