“If you want to do business in our city, you follow our laws.” Ito ang naka-post ngayon sa Facebook at Twitter page ni Mayor Vico Sotto makaraang ipasara ng alkalde ang isang Chinese restaurant sa Pasig City.

Gigil na sinabi ni Sotto na “Kakapal ng mukha!” sa mga business owner na walang kaukulang permit na nagne­negosyo sa Pasig City kasabay nito ang hiling ng alkalde sa Bureau of Immigration (BI) na i-track down at ipa-deport ang mga illegal worker at mga negosyante sa siyudad.

Batay sa report, isang Fu Yuan Ji, Chinese restaurant sa Pasig City ang agarang ipinasara kahapon nang umaga dahil sa mga illegal business and worker at walang kaukulang permit to operate sa city government.

Nanindigan si Sotto sa kampanya ng pamahalaan na pigilin ang pagdami ng Philippine Offshore Gaming Ope­rators (POGO) at pagpasok ng mga dayuhan na nais na magtrabaho nang iligal sa bansa.

“To people who may try to use my name in negotiating with POGOs, consider this as fair warning. One-strike policy for city hall employees,” babala ni Sotto sa mga gagamit ng kanyang pangalan para magtayo ng negosyo sa Pasig.

Kaugnay nito, hiling ng alkalde sa BI na ipaalam sa kanila sakaling may POGO sa Pasig City para makatulong sila sa paghuli at pagpapasara ng kanilang mga negosyo, base sa nakasaad sa kanyang FB page.

“To the Bureau of Immigration, just let us know how the LGU of Pasig can help in catching & deporting these illegal workers and businessmen. #PastillasScheme #NoToPOGO.”

Nabatid na ang Pasig City ay isa sa fastest growing district na mayroon ng mga POGO at iba pang mga Chinese business sa bansa, kabilang na ang Makati, Ta­guig, at sa Manila Bay Area kung saan ay unit-unti nang ginagapang ng pamahalaan para papanagutin sa pagsuway sa batas ng bansa.

Hindi lamang POGO ang target ng Pasig City kundi ang iba pang mga pasaway na negosyante na nagkukulang ng permit at sanitasyon na tulad ng Razon’s of Guagua na ipinarasa ni Mayor Sotto noong Oktubre 2019 dahil sa kawalan ng sewage facility.
Sinikap ng Tonite na makontak si Mayor Vico Sotto, maging ang kanyang PR staff na hindi rin sumasagot sa anumang text message kung saan sa FB post na lamang nakakakuha ng detalye. (Vick Aquino)