Lumabas sa inisyal na imbes­tigasyon ng Senado na pinayagan ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang pagpasok ng mga Chinese national sa bansa upang magtrabaho sa mga gawaing karaniwang ginagampanan ng mga Pilipino.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Labor and Employment, hindi makapaniwala si Senador Joel Villanueva na nag-iisyu ng special working permit ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga foreign national kahit walang alien working permit (AEP).

Ang AEP ang requirement ng Bureau of Immigration at Department of Justice sa mga foreign national na nagnanais na makakuha ng working visa sa bansa. Ito rin ang tumitiyak na hindi kakayanin ng isang Pilipino ang isang trabaho kung kaya’t iniisyu ito sa fo­reign national.

Ngunit kay Villanueva, chairman ng nasabing komite, maraning Chinese ang nagtatrabaho bilang cashier, waitress at construction worker gayung sanay ang mga Pinoy sa gawaing ito. Malinaw, aniya, ang naging kapabayaan ng DOLE, BI, at DOJ dito.

Nilabag din aniya ng tatlong ahensiya ang nakasaad sa Saligang Batas sa Article 2 Section 12 kung saan dapat na maging prayoridad ang mga Pinoy sa trabaho.

“Nagulat tayo dahil mismong ang mga ahensiya ng pamahalaan inamin po nila na pumapasok sila rito bilang turista tapos magtatrabaho na sila. So what are we doing. Anong malasakit meron tayo para hindi ito gawin ng ating mga kababayan?” patutsada ni Villanueva.

“Unfortunately sinasabi nila na hindi kaya ng mga Filipino ito, pero doon sa nakikita natin, ang cashier Chinese national, ang waiter Chinese national at construction workers ay Chinese national,” himutok ng senador.

Paliwanag ni Villanueva, hindi ito tutol sa pagpasok ng foreign nationals para magtrabaho at mag-invest ng negosyo sa bansa, pero dapat ay hindi naiitsapuwera ang trabaho para sa mga Pinoy.

Aniya, sa deliberasyon ng budget ay humingi sila ng datos sa DOLE tungkol sa opisyal na numero ng mga banyaga na may Alien Employment Permit (AEP).

“We received your commu­nication dated October 1, 2018 stating that as of that date, from 2015-2017, there were 115,652 AEPs that were issued by the DOLE. Halos kalahati po nito o 51,980 AEPs ang na-issue sa mga Chinese nationals. Nakaka-alarma po dahil nasa 24,000 out of the 52,000 AEPs ay na-issue for just one year, noong 2017. Gusto po nating klaruhin ‘yan kung bakit may immigration surge o may sudden influx ng Chinese nationals dito sa atin,” ani Villanueva.