Magsasagawa ng inspeksiyon ang Pamahalaang Lokal ng Malay, Aklan sa mga establisimyento o negosyo sa Boracay para malaman kung may mga nagtatrabaho dito na illegal foreign worker partikular ang mga Chinese na nagdadagsaan ngayon sa naturang isla.
Kasunod na rin ito ng pagdaing ng mga manggagawang Pilipino sa Boracay dahil sa pagdagsa ng bilang ng mga Chinese sa Boracay na hindi lamang pagnenegosyo ang pakay kundi trabaho rin.
Nabatid na sa umiiral na local ordinance ng Boracay dapat ay 60% na mga Pilipino ang mga manggagawa ng bawat kompanyang matatagpuang sa isla.
Paliwanag ni Malay Mayor Abram Sualog, kailangang iprayoridad ang mga residente ng Aklan bago kumuha ng mga empleyado mula sa labas ng isla.
Bagama’t puwede aniyang kumuha ng mga empleyadong banyaga, dapat kumpleto ang mga ito sa dokumento katulad ng working visa.
Kapag may nahuli umano na illegal foreign worker sa mga establisimyentong kanilang iinspeksyonin ay agarang ipapa-deport ang mga ito.
Nauna rito ay isang Chinese restaurant ang isinumbong sa Malay Municipal Police Station dahil sa paglabag sa anti-smoking ordinance sa loob ng kanilang establisimyento noong Abril, ayon kay Police Regional Office 6 deputy director Col. Jesus Cambay Jr.
Nang siyasatin, nadiskubre na bukod sa anti-littering at anti-smoking violation ay mayroon palang tatlong Chinese worker doon na walang kaukulang permit o undocumented worker.
Hindi binanggit kung anong restaurant iyon pero nabatid sa ulat ng PTV 4 na ito ay ang Da Tang Bai Lu.
Sa ulat ng naturang TV station, pinaliwanag umano ng nasabing Chinese restaurant na kumuha sila ng mga Chinese worker para i-training ang mga Pinoy sa pagluluto ng pagkaing Chinese at pagkatapos ay aalis din ang mga ito. (W/PNA)