Inatasan ng Department of Finance (DOF) ang Bureau of Immigration (BI) na makipag-ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at iba pang ahensya ng gobyerno para matukoy ang 12,000 dayuhan na karamihan ay mga Chinese na iligal nagtatrabaho sa Philippine Online Gaming Operators (POGO).
Nabatid na nagpulong kamakailan ang inter-agency task force na binuo para i-monitor at ilista ang bilang ng mga dayuhang nagtatrabaho sa mga POGO.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, batay sa report ng Department of Labor and Employment (DOLE) nadiskubre ng kagawaran mula sa 148 establisimyento na kanilang ininspeksyon na mayroong 12,000 dayuhan ang nagtatrabaho sa 33 PGO sa bansa na walang permit mula sa BI at DOLE.
Bukod sa mga iligal na manggagawang dayuhan, ini-report din umano ni DOLE Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay na mayroong 20 POGO ang kanilang natuklasan na wala sa listahan ng mga registered service provider ng Pagcor.
Iniulat naman ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Deputy Commissioner Arnel Guballa na matapos nilang isailalim sa validation ang inisyal na datos na nagpapakitang may 138,000 na inisyung working permit para sa mga dayuhan mula sa iba’t ibang tanggapan nila ay bumaba ito sa bilang na 122,397. Pero kanila pa umano itong isasailalim ulit sa validation.
“This is a crime. It’s a violation of the law,” sabi ni Dominguez.
Kasabay nito, kinalampag ni Dominguez ang BIR, Pagcor, DOLE at iba pang law enforcement agency katulad ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) para matunton ang mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa bansa.
Nais ni Dominguez na makolekta ang personal income taxes mula sa mga dayuhang nagtatrabaho sa mga POGO.
Inatasan pa nito si BI Deputy Commissioner Atty. Tobias Javier na iprayoridad ang pagdampot sa 12,000 dayuhan na karamihan ay mga Chinese matapos malaman na nasa 393 illegal foreign worker pa lamang ang naaresto ng ahensya noong nakaraang taon.
Nais ni Dominguez na pagbutihin pa ang pag-iinspeksyon sa mga nasabing establisimyento at ipasara ang mga mapapatunayang nag-eempleyo ng mga dayuhang walang work permit.
“If there are 12,000 that you found, there must be a lot more, a lot more who are just floating around,” ani Dominguez. (Eileen Mencias)