Mga import nagamay na nina Daquis, Masangkay

Mga import nagamay na nina Daquis, Masangkay

Unti-unti nang nagagamayan nina Cignal HD Spikers starters Rachel Anne Daquis, Mylene Paat at setter Acy Masangkay ang kanilang dala­wang import kaya nakadale ng dalawang sunod na panalo sa 7th Philippine Superliga (PSL) 2019 Grand Prix elims.

Ayon kay HD Spikers coach Edgar Barroga, nagkakapalagayan na ng loob ang kanilang local players at imports na sina American spiker Erica Wilson at Azerbaijani hitter Anastasia Artemeva.

Plakda sa unang laro, pero buma­ngon agad at hinataw ang dalawang sunod na panalo para ilista ang 2-1 karta at hawakan ang pangatlong puwesto sa team standings.

“We’re starting to jell and our local players are already getting used to playing with our imports. It’s a good sign. It means that they are very committed to winning,” masayang sabi ni Barroga.

Nais ng Cignal na hatawin ang three-game winning streak pagharap sa Generika-Ayala Lifesavers sa alas-siyete ng gabi sa FilOil Flying V Center, San Juan.

Pero inaasahang mapapalaban nang todo ang HD dahil uhaw sa panalo ang Lifesavers na may 0-3 karta sa event na inisponsoran ng Asics, Mikasa, Mueller, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Cocolife, Hotel Sogo at Data Project.

Nagpakitang gilas agad si Brazi­lian import Nikolle del Rio subalit nagkaroon agad ng injury kaya hindi ito nakapaglalaro.

Kaya huhugot muna ng puwersa si Lifesavers’ coach Sherwin Meneses kay reinforcement Kseniya Kocyigit ng Azerbaijan at locals Marivic Meneses, Patty Orendain at Fiola Ceballos.

“Nikolle remains doubtful, but the team is getting hungry,” saad ni Meneses.