Itinanggi rin niya na ma­tagal na siya sa ganoong hanap­buhay su­balit batay sa mga nakum­piskang ebidensiya ng pulisya sa kanyang inuupahang bahay na kanyang ginagamit bilang cybersex den, matagal na siyang nagsasagawa ng live sex shows, patunay ang mga nakuhang Paypal accounts na umaabot sa bilang na 40.

Ipinaliwanag ni Senior Supt. Tulliao na ang Paypal account ay isang electronic commerce o isang kompanya na umaasikaso sa pagbibigay ng kabayaran at pagtanggap ng ba­yad ng dalawang partido sa pamamagitan credit card o ng checking account.

Sa dami aniya ng Paypal accounts na nakumpiska nila sa bahay ni Raquel, hindi niya puwedeng itanggi na bago lamang siya sa iligal na gawain.

Tulad nina Gina at Jonah, sinampahan din ng mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act at Cybercrime Prevention Act si Raquel sa Pateros ­Municipal Prosecutor’s Office

Sa kabila ng napakabigat na parusang ipinapataw sa mga napapatunayang gumagawa ng online streaming na nagpapakita ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa mga bata, hindi maikakaila na paulit-ulit lamang itong nangyayari sa ating bansa na ang ta­nging dahilan ay ang labis na kahirapan.

Tunay na hindi tumitigil ang pamahalaan at lahat ng mga law-enforcement agency sa pag-TUGIS sa mga sangkot sa industriya ng cybersex subalit sa kabila nito, hindi nababawasan kundi lalu pang dumarami ang mga batang nahihimok, hindi lang ng sindikato kundi ng kanilang mismong magulang sa paggawa ng kalaswaan sa harap ng camera.

Pinatunayan ito ng International Justice Mission (IJM), isang pandaigdigang organisasyon na tumututok sa mga nangyayaring paglabag sa karapatang pantao na nagaganap sa iba’t ibang parte ng mundo.

Ayon sa IJM, mula sa 17-kasong may kaugnayan sa cybersex trade sa Pilipinas noong taong 2015, lumobo ito sa 51 sa unang bahagi pa lamang ng taong 2018 at posibleng tumaas pa ngayon pagpasok ng taong 2019.

Tiniyak naman ng Philippine Natio­nal Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni Director General Oscar Albayalde na hindi tumitigil ang kapulisan sa pag-­TUGIS sa sindikato at indibidu­wal na gumagawa ng ganitong ilegal na aktibidad, katuwang na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) at koordinasyon sa kanilang mga counterpart sa iba’t ibang bansa na nakatutok naman sa aktibidad ng mga pedopilya.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo: walang krimen na hindi pinagbabayaran.