Part 2
Ayon kay Gen. Cruz, noong una’y pakikipag-kaibigan lamang ang pakay ng dayuhan lalo na’t nagagawang makipagpalitan ng komunikasyon ng 41-anyos na si Gina dahil na rin sa kanyang kaunting kaalaman sa pagsasalita ng English makaraang makapagtapos ng high school.
Hindi naman pinakialaman at hindi rin nanghimasok si Resty sa ginawang pakikipagkaibigan ng asawa sa dayuhan lalo na’t hindi rin naman siya gaanong interesado na makipagkaibigan sa Amerikano lalo na’t hirap naman siyang magsalita at umintindi ng salitang banyaga kahit nakatapos din ng high school at nagtatrabaho bilang janitor at isang carwash boy.
Nang lumaon ay lumalim ang pagkakaibigan ni Gina at ng dayuhan lalo na’t hindi lang sila pinangakuan ng buwanang sustento kundi tinupad din nito ang pagkakaloob ng P1,200 buwan-buwan matapos niyang ipakilala ang kanyang babaeng anak na noon ay 10-taong gulang pa lamang.
Noong una ay hindi binigyang malisya ni Gina ang pagnanais ng dayuhan na mapangasawa kalaunan ang kanyang anak nang masulyapan ang kariktan ng bata lalo na’t ipinaliwanag sa kanya ng kaibigan na marami siyang natutulungang mga bata sa Pilipinas na kanyang pinag-aaral.
Natimo sa isipan ng ginang na magiging daan ang kaibigang dayuhan upang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan, hindi lang ang kanyang babaeng anak kundi maging ang nakababata nitong kapatid na lalaki.
Gayunman, habang lumalaon ay napupuna na ni Gina na masidhi ang hangarin ng kaibigang dayuhan na maging kabiyak ang kanyang panganay na anak bagama’t hindi niya mabitiwan ang patuloy na pakikipagkaibigan at pakikipag-ugnayan dito sa pangambang maputol ang ipinadadalang buwanang sustento sa kanilang pamilya na inakala niyang malaking tulong din lalo na’t maliit lamang ang sahod ng asawa sa kanyang trabaho, gayundin ang kinikita niya sa pagmamasahe.
Dahil dito’y napilitan na rin si Gina na ilapit ang loob ng anak na babae sa dayuhan upang hindi maputol ang kanilang pagkakaibigan at hindi rin maputol ang tinatanggap na sustento.
Ang hindi batid ni Gina, may ibang hangarin sa ginagawang pagtulong at pagkakaloob ng maliit na halaga ang dayuhan dahil dumating ang panahon na kung ano-ano na ang hinihiling ng Amerikano, kabilang na ang pagpapadala ng video ng kanyang pakikipagtalik.
Sa pagpasok ng taong 2018, matapos tumuntong sa edad na 15 ang kanyang panganay na anak habang 13-anyos naman ang nakababatang kapatid na lalaki na kapwa nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral bilang Grade 7 ang lalaki at Grade 8 naman ang babae, dito na nagsimula ang matindi at nakapangingilabot na mga kahilingan ng dayuhan na sa una’y nais tanggihan ni Gina.