Mga ina na nag-udyok sa sariling anak na gumawa ng kalaswaan

Sa isip niya, wala namang pinagkaiba ang pakikipagtalik at pagpapakuha ng mga hubad ni­yang larawan at ang ta­nging kaibahan lamang ay mas malaki ang kanyang tinatanggap na salapi sa pagpapakuha ng video habang nakikipagtalik kumpara sa kanyang mga hubad na larawan na na­ging dahilan naman kanyang pagdadalantao.

Noong taong 2015, kabilang si Jonah sa na-rescue ng pulisya sa isang cybersex den sa lungsod ng Iligan, kasama ang ilan pang mga kabataang gumagawa ng kalaswaan sa harap ng camera at ibinebenta ang video footage sa mga dayuhan.
Nang makabalik sa piling ng kanyang mga magulang si Jonah, kasama ang kanyang anak na babae, muli niyang naranasan ang labis na hirap ng buhay kaya’t naisipan niyang kontakin ang mga dati ng naging kliyente at inialok ang hubad na larawan ng kanyang paslit na anak.

Dahil bantad na rin sa ganitong gawain si Jonah, hindi man lamang sumagi sa isipan niya ang imoral at illegal na ginagawa at maging ang iba pang mga batang kaanak na naka­tira lamang sa mga kalapit nilang silid ay ­hinimok na rin niyang maghubo’t hubad sa harap ng camera.

Sa pahayag ni Senior Insp. Rassel Tulliao, ang hepe ng WCPD ng Mindanao Field Unit ng PNP, kabilang sa kanilang mga nailigtas nang isagawa nila ang pagsalakay sa bahay ni Jonah ang lima pang bata na may edad na 1, 2, 4, 5 at 10 na pawang mga kaanak din nila.

Dugtong pa ni Senior Insp. Tulliao, parang isang compound lamang ang bahay ng magkakamag-anak kaya’t dingding lang ang pagitan ng kani-kanilang tirahan na nagiging madali para kay Jonah na himukin ang mga bata, kabilang ang kanyang batang anak na babae, sa imoral na gawain kapalit ng ibabayad na halaga ng kanyang dayuhang parokyano.

Hindi rin nakaligtas sa batas ang mismong ina ni Jonah na kabilang sa dinakip nina ­Senior Insp. Tulliao matapos mapatunayan sa mga nakalap na dokumento na siya ang kumukuha sa mga remittance center ng salaping ibinabayad ng dayuhang parokyano sa pamamagitan ng money transfer.

Isinailalim naman sa pangangalaga ng ­Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang anak ni Jonah, pati na ang limang batang nailigtas na pawang kanyang mga kaanak. Isasailalim din sa pagsusuri ng medico legal team ng pamahalaan ang mga bata upang alamin ang pisikal nilang kalagayan.

Nahaharap naman ngayon ang mag-ina sa mga kasong paglabag sa R.A 10175 o ang ­Cybercrime Prevention Act at R.A. 9775 o ang Anti-Chile Pornography Act na parehong may katapat na kaparusahang pagkakabilanggo ng mula 20 hanggang 40-taon.