Mga ina na nag-udyok sa sariling anak na gumawa ng kalaswaan

Ang pamilya ang maituturing na pinakapanguna­hing bahagi ng isang lipunan. Kinabibilangan ito ng ama na siyang tumatayong haligi ng tahanan, ina na ilaw naman ng tahanan at kanilang mga anak na kanilang gagaba­yan hanggang sa kanilang paglaki.

Kung tutuusin, mala­wak ang papel na ginagam­panan bilang ilaw ng tahanan ng isang ina dahil siya ang unang nagkakaloob ng liwanag sa kaisipan ng kanyang mga anak at siya ang unang nagmumulat sa murang kaisipan ng kanyang mga anak upang lumaking may mabuting asal at may takot sa Diyos.

Ang ina rin ang nagtuturo ng magandang asal sa kanyang mga anak at gumagawa ng mga pamamaraan upang mabigyan ng proteksiyon sa anumang uri ng peligro ang mga anak mula sa pagkakaroon ng karamdaman hanggang sa sinumang nagnanais na gumawa ng pisikal na pananakit.

Kasabihan na ng marami na mapalad ang isang anak na mayroong ina na nagbibigay-liwanag sa kanyang kaisipan, gumagabay sa kanyang paglaki at nagtuturo ng mga magagandang asal na isasalin nila sa kanila ring magiging mga anak.

Haligi naman ng tahanan kung tagurian ang ama ng isang pamilya. Siya ang nagbabatak ng buto sa pagtatrabaho upang maipagkaloob, hindi lamang matitirhan at pagkain kundi maibigay din ang mga kinakailangang materyal na bagay, hindi lang sa kanyang mga anak kundi sa kanya ring kabiyak.

Kung ang mga magulang ay magpapamalas ng kabutihan at wastong pagmamahal, pag-­aaruga at pagpapalaki sa kanilang mga anak, ­walang ­dahilan upang hindi lumaki bilang isa ring mabu­ting mamamayan ang kanilang mga anak na ­magiging kayamanan ng kanilang magulang sa kanilang pagtanda.

Subalit paano na lang kung ang mismong itinuturing na ilaw at haligi ng tahanan ay sila pang nagiging dahilan upang malugmok sa putikan at masira nang tuluyan ang buhay ng kanilang mga anak sa halip na mapagkalooban ng magandang kinabukasan?

Dati, ang mga ganitong uri ng balita ay ­nagiging kahindik-hindik na sa mamamayan lalu na’t ang pagmamahalan at mahigpit na pagkakabigkis-­bigkis ng isang pamilya sa ating bansa ay isa sa mga hinahangaang kultura ng mga dayuhan.

Gayunman, dahil na rin sa maraming kadahilanan, partikular na rito ang labis na kahirapan at pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot, unti-­unting namumulat ang maraming mamamayan sa mga balitang pagbebenta ng laman ng mga magulang sa sarili nilang mga anak.

Bukod pa rito ang makabagong teknolohiya ng social media at internet dahil sa pamamagitan ­lamang nito’y nagagawa nang maibugaw ng ­sariling magulang ang kanilang mga anak sa mga dayuhan na hayok sa laman.

Pinakahuli nga rito ay ang pagkakadakip ng mga tauhan ni Taguig City Police chief Senior Supt. Alexander Santos sa mag-asawa na hindi lamang ibinugaw ng ginang ang kanyang dalawang anak kundi siya rin mismo ang naging pangunahing karakter sa pakikipagtalik sa kanyang binatilyong anak na lalaki.

Sa ginawang pakikipanayam ng TUGIS kay Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Eliseo Cruz, sinabi niya na nagsimulang gumulong ang takbo ng buhay sa maling landas ng mag-asawang itago na lamang sa mga alyas na “Gina” at “Resty” noon pang taong 2013 nang makilala ng ginang sa pama­magitan ng internet ang isang American national na naka-base sa Estados Unidos.