Mga iniindang pinsala nagpatigil kay Ranidel

Kung hindi binagabag ng injuries, malamang na hindi pa magdedesisyon si Ranidel De Ocampo na tapusin ang career sa PBA.

Lunes sa 2OT podcast nina Carlo Pamintuan at Magoo Marjon, kinumpirma ng 38-anyos na produkto ng St. Francis of Assisi College na hindi na niya tatapusin ang 16th season sa pros.

Nitong huling dalawang taon hindi na halos nakakalaro si RDO sa Meralco dahil sa injuries.

Una siyang pinigil ng pananakit ng likod. Noong naraang season, tuhod naman ang ininda niya.

Wala na ang dating galawan, bagama’t naroon pa rin ang kalmadong pulso at matulis na siko na nagpahirap sa mga kalaban sa PBA at sa international scene.

Katuwaan ngang binansagang Pambansang Siko si De Ocampo noon dahil sa taas niyang 6-foot-6, kahit siguro hindi niya sinasadya ay tumitikwas at umiigkas.

Pero mas dumikit sa kanya ang nickname na RDO.

Sa huling season sa Bolts, sumalang si De Ocampo sa 19 ng 45 games.

“Hindi na ako nakakalaro, eh,” pag-amin ng isa sa pinakamaangas na stretch-4 ng kanyang henerasyon. “Hindi na nakakakapag-practice. Hindi na rin ako nakakalaro ‘nung talagang pukpukan.”

Inayunan ng kaibigan at kaedaran niyang si Marc Pingris ng Magnolia ang desisyon.

“’Pag walang injury, kaya pa,” ani Ping.

Magkasama ang dalawa sa Gilas squad na sumipa sa Korea 86-79 sa silver medal game ng 2013 FIBA Asia Championship na nagbigay sa Pilipinas ng ticket pabalik sa World Cup sa unang pagkakataon matapos ang 40 years. (Vladi Eduarte)