Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipatatapon sa Jolo, Sulu at ipaki-kidnap sa Abu Sayyaf ang ilang opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nagpabaya sa tungkulin.
Sa kanyang talumpati kahapon sa summit ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Pasay City, muling inihayag ng Pangulo ang pagkainis sa DAR dahil sa kabagalang aksiyunan ang conversion ng lupa.
Hindi naitago ng Presidente ang pagkadismaya sa mga DAR official na hindi ginagawa nang maayos ang kanilang trabaho.
“Itong sa DAR, ‘yung conversion from agricultural to commercial. Aabutan ‘yan — abutan ng dalawang taon mga p***** i** mo, umalis ka diyan.
“Kaya sabi ko kung nakikinig sila ngayon ah maghanap ka ng ibang trabaho. Kung hindi, i-assign kita doon sa Jolo. Sasabihin ko na sa mga Abu Sayyaf kidnapin (kidnap) mo na lang ‘yan p***** i** ‘yan,” ang galit na pahayag ng Pangulo.
Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte na ipinasisilip na niya kay Executive Secretary Salvador Medialdea kung sino-sinong mga opisyal ng DAR ang dapat na masibak.