Mga jail facilities galugarin din — NBI

Pinayuhan ng Nationa­l Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang mga counterpart sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bigyang pansin ang mga pasilidad sa iba’t ibang kulungan sa Metro Manila, kasunod ng impormasyon na patu­loy pa rin ang transaksiyon ng iligal na droga dito.

Sa ginanap na press briefings, sinabi ni Atty. Joel Tovera, director ng NBI-Anti Illegal Drugs Division, na sa Quezon City Jail na pinangangasiwaan ng ­Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) patuloy pa rin ang transaksiyon ng iligal na droga.

“Huwag nilang palampasin ang mga jail, bisitahin nila iyong mga jail premises dahil patuloy pa rin ang transaksiyon ng iligal na droga sa Quezon City Jail,” ayon kay Tovera.

Sinabi ni Tovera na maraming paraan para maipuslit ang mga kontrabando kung gugustuhin.

“Dito nga sa NBI, katakot-takot ang CCTV, ‘di ba may nakakapuslit pa rin,” ayon pa kay Tovera.