Mga Japanese player namayani sa APT Finale

noli-cruz-all-n

Dinomina ng mga Hapones ang Asian Poker Tour (APT) Finale na nagtapos noong Huwebes (Disyembre 6) sa Resorts World Manila.

Limang manlalaro mula sa Japan ang pumasok sa Top 10 ng APT Finale Main Event na may entry fee na P55,000. Ito ay sina eventual champion Mikiya Kudo, third placer Koji Asaka, sixth placer Kosei Ichinose, ninth placer KazukiHaruta at 10th placer Takao Shimizu.

Naibulsa ni Kudo ang top prize na P2,844,200.

Ang nag-iisang Pilipino na nakapasok sa Top 10 na si Jiego Erquiaga ay kumita ng P379,200 para sa kanyang eighth place finish.

Hapones din ang itinanghal na Player of the Series (POS) na si Kosei Ichinose na nanalo ng dalawang events sa poker series na nagsimula noong Nobyembre 27. Pumangalawa sa POS race si Yohwan Lim ng Korea na second placer din sa main event.

Ang early pacesetter sa POS race at kababayan natin na si Mike Takayama ay bumagsak sa pangatlong puwesto. Si Ichinose ay nakatanggap ng APT luxury watch, customized APT ring, $800 cash at ng prestihiyosong POS Cup.

Si Takayama ang nangunguna sa POS race papasok sa huling apat na events pero inalat na siya sa huli.

Nabigo tuloy si Takayama na maduplika ang pagkakapanalo ni Lester Edoc ng POS Cup sa ­nakaraang serye ng APT na ginanap sa bansa noong Setyembre.

Tatangkain ng mga Pinoy poker playes na ­makabawi sa Manila Megastack na ongoing ­habang binabasa ninyo ito.

Dati ay sa City of Dreams ang venue ng Manila Megastack pero nalipat na po ito ngayon sa Okada.

Good luck, players!