Hindi pa rin pinapayagan ang mga pampasaherong jeep na bumiyahe sa mga lugar na isasailalim sa general community quarantine (GCQ) ngayong Mayo.

Nilinaw kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kasunod ng anunsiyo ng Malacañang na papayagan na ng pamahalaan na magkaroon ng partial operation ang mga public transportation sa GCQ areas.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, sa isang virtual press briefing, na mabubuksan na ang lahat ng riles, kalye, pantalan, at airports ngunit sa mga lugar na na nasa GCQ lamang.

Gayunman, mahigpit pa rin umanong ipaiiral at oobserbahan ang physical distancing o isang metrong pagitan sa bawat pasahero.

Sinabi naman ni Año na hindi kasama ang mga jeepney sa mga sasakyang papayagang mag-partial operation. “Yung jeepney, hindi pa yan pinapayagan,”sabi nito.

Aniya pa, magpapalabas ang Department of Transportation (DOTr) na pinamumunuan ni Secretary Arthur Tugade ng mga guideline hinggil sa partial operation ng iba pang public utility vehicles (PUVs).

Matatandaang una nang sinuspinde ng pamahalaan ang operasyon ng mga public transportation sa bansa, kasabay nang pagpapairal ng enhanced community quarantine (ECQ) na ang layunin ay masugpo ang pagkalat sa bansa ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19). (Dolly B. Cabreza)