Mga kandidato ng oposisyon bad shot sa mga tao – Palasyo

Mahina at bad shot sa mga Pilipino ang mga kandidato ng oposisyon kaya hindi nakapasok sa magic 12 pre-election survey ng Pulse Asia.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos lumabas sa resulta ng survey na mayorya sa mga kandidato ng administrasyon ang nasa magic 12.

Sinabi ni Panelo na maraming supporter ang administrasyon at nakikita ng mga ito ang ginagawa ng mga kandidato ng oposisyon sa kanilang kampanya.
Wala aniyang ginawa ang mga kalabang kandidato kundi birahin si Pangulong Duterte at hindi ito nagugustuhan ng publiko.

“Baka mahina. Ang problema kasi sa oposisyon, wala na silang nakitang magandang ginawa ang Presidente, eh ang taong bayan nakikita nilang maraming ginawa. Kaya pag binira mo ng binira ang Presidente ay magiging bad shot ka sa kanila,” ani Panelo.

Kabilang sa mga bagitong kandidato ng administrasyon na nakasampa sa magic 12 pre-election survey ng Pulse Asia ay sina dating Special Assistant to the President Bong Go at dating Philippine National Police Chief Ronald `Bato’ dela Rosa.

Malakas din ang hatak ng mga re-eleksiyonistang senador gaya nina senador Sonny Angara, Cynthia Villar at Lito Lapid na kabilang sa mga nasa magic 12. (Aileen taliping)