Mga kandidatong pro-Manila Bay reclamation pinaboboykot

Lumusob sa tulay ng Mendiola ang mga mi­yembro ng Pamalakaya, Kadamay at Anakpawis para suportahan ang laban ng mga taga-Baseco sa Maynila na tumututol sa reclamation ng Manila Bay.

Sinasabing umaabot sa mahigit 500 hektarya ang sasakupin ng mga reclamation project sa Manila Bay at libo-libong pobreng pamilya ang maaapektuhan.

Ayon sa Pamalakaya at Kadamay, nasa kabuuang 547 hektarya ng Manila Bay ang ire-reclaim at tinatayang nasa 45,000 bilang ng mga urban poor at mangingisda ang tatamaan.

Suportado ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao ang karaingan ng mga residente na madadale kapag iniarya ang reklamasyon.

Ayon sa solon, ginagamit lamang ng gobyerno na palusot ang rehabilitasyon ng Manila Bay para sa ipinopormang mga reclamation project lalo na nang i-take over ng Presidente ang Philippine Reclamation Authority (PRA) sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 74.

Pinayuhan ni Casilao ang mga botante na gawing isyu ang Manila Bay reclamation at huwag iboto ang mga kandidato na pabor sa reklamasyon.

“We urge the people to oppose the machinations, or even mass deception, for reclamation projects,” ayon pa kay Casilao.