Mga kaso nina Gloria, Jinggoy, Bong, JPE papelan din ng IPU

Kinuwestiyon ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez ang tila pagkiling at pagpili ng Inter-Parliamentary Union (IPU) ng papapelang personalidad.

Tanong ni Suarez ay kung bakit nanahimik ang IPU sa mga kaso ng mga dating senador na sina Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., Jose ‘Jinggoy’ Estrada at Juan Ponce Enrile gayundin ni da­ting Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Pero ngayon ay masigasig aniya ang IPU at ‘concern’ sa kaso nina Senador Leila de Lima at Antonio Trillanes IV.

“Where were they when former opposition senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada and Bong Revilla and former President Arroyo were jailed by the Aquino administration? Obviously, there is still discrimination,” ani Suarez.

“That’s what we’ve been saying all this time, they (IPU) don’t talk about the three se­nators,” dagdag nito.

Matatandaan na ini­hain ni Suarez ang House Resolution No. 2270 para suportahan ang rekomendasyon ni Arroyo na kumalas na ang Pilipinas sa IPU.