Kung hindi babarilin ni PDu30 ang rekomendasyon ng DILG, DENR at DOT, isasara ng isang taon ang Boracay para isailalim sa rehabilitas­yon.

Inirekomenda ng Inter-Agency kay PDu30 ang pagtigil ng operas­yon ng Boracay sa isyu ng ‘public health, public interest at general welfare’.

Pinasisiguro na sa pagbubukas muli ng Boracay, maayos na ang ‘sewerage system’, may konkretong solid waste management facility, wala ng mga iligal na istruktura sa mga forest at wetlands at mayroon nang malalapad na kalsada, papasok at palabas ng Boracay.

***

Sana sa pagbabalik operasyon ng Boracay matapos ang isang taong pagsasara (kung magaganap ito), ang mga katutubo na orihinal na may-ari ng isla ay hindi na muling madiskaril ang pamumuhay.

Sa planong rehabilitas­yon ng Boracay, dapat ikonsidera ng gobyerno ang katatayuan ng mga katutubo na naging pa­laboy sa kanilang sariling tahanan.

Ang mga katutubong Ati ay itinaboy ng komersiyo, kaya dapat lang sa pagbabalik operasyon ng Boracay ay dapat wala nang makitang itinataboy na katutubo.

Ang komunidad ng mga katutubo ay dapat mapanatili. Bahagi sila ng kultura ng mga Filipino. Sa bilyong pisong kinita ng lokal na pamahalaan ng Aklan, marahil kaya namang maglaan ng pondo para sa komunidad ng mga Ati.

Ang pagpapanatili ng kanilang ‘way of life’ ay makakatulong din sa turismo ng lalawigan.

***

Ang karanasan ng Boracay ay dapat maging babala at aral sa iba pang mga ‘tourist destination’ sa bansa.

Gaano man kaagre­sibo ang mga ‘tourism slogan’ kung hindi naman suportado ng mga pasilidad tulad ng mga dapat gawin sa Boracay sa bandang huli ay magkakaproblema rin.

Kung ano man ang pamantayan sa rehabilitasyon ng Boracay, ito na rin ang dapat sundin ng mga establisimiyento sa lahat ng tourist destination sa buong bansa.

***

Ngayong nalalapit na ang bakasyon at ilang linggo na lamang ay Semana Santa na, ang mga local tourism council sa iba’t ibang panig ng bansa ay aktibo sa pagtutulak ng kanilang lugar bilang destinasyon.

Marami pang mga lugar ang potensiyal na puntahan ng mga turista lalo na ang mahihilig sa adventure, hindi lamang ang Boracay at iba pang mga kilalang lugar sa bansa.

Kamakailan lamang ay inilunsad ng lalawigan ng Samar ang #SparkSamar na nag-iimbita ng mga turista.

Gamit ang social media, ibinida ang pagkakaroon ng Samar largest forest reserve.

Naggagandahang waterfalls, longest river at masasarap na pagkain lalo na ang kanilang pamosong Calbayog tinapa.