Binabalaan tayo ng Panginoon ngayong Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon tungkol sa pagiging mapanghusga sa kapwa (Lc 6:39-45). Paalala ng Ebanghelyo na bawa’t isa sa atin ay katoto ni Hesus sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos, gayunman ang ating pagpu­punyagi at pagsusumikap ay mauuwi sa wala kung tayo ay mananatiling mga ‘bulang na tagaakay’ o pabaya sa pagtantiya na ating sarili.

Turo ng Simbahan, hinihingi ng tawag ng kabanalan na suriin muna natin ang ating mga sarili bago tayo makitungo sa ibang tao. Sa ating kasalukuyang pamumuhay kung saan tila nasanay na tayong punahin ang lahat ng ating nakikita at naririnig, inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na magpigil at pagnilayan kung paano tayo dinadala ng ating kapabayaan patungo sa ating sariling kasiraan.
Akma ang pagninilay sa araw na ito, ayon sa Simbahan sa pahahan­da natin sa sinisimulang Kapanahunan ng Kuwaresma ngayong linggo; binibigyan tayo ng pagkakataon na muling pag-aralan ang kuneksyon ng ating panlabas na ugali at ating interiyor na buhay— ang pagkakaiba ng nakikita ng iba sa atin at nakikita ng Diyos. Lalabas at lalabas ang katotohanan, giit ng Panginoon!

Mahalaga na ‘makakita’ muna daw tayo ani Hesus­ bago tayo maging gabay­ ng iba, ngunit kalimitan ang nakikita natin ay ‘yun lamang maliliit na kapintasan ng kapwa at napakahirap sa ating tanggapin ang sariling pagkukulang. Ipinapamukha sa atin ni Hesus ang pagkabulag na dulot­ ng kayabangan at pinapaalalahanan tayo na mas kilala tayo ng Diyos kaysa pagkilala natin sa ating sarili.

Turo ng Simbahan, “God cannot be cheated. His looks pene­trate deep beyond appearances and clever­ pretences.­ What He wants is not just ‘nice words’ and ‘seemingly good actions’. He wants that these be rooted in a heart that is imbibed by values that those words and actions are meant to manifest externally.” Ang hangad daw ng Diyos ay ‘substance’ o reyalidad, imbes na pakitang-tao lamang!

Tama ang kasabihan saad ng Simbahan na ‘sa bibig nahuhuli ang isda’—“from the fullness of the heart the mouth speaks.” Mabilis tayong mang­husga sa kapwa at pumuna ng mali ng iba, ngunit tahimik sa ating sariling depekto. Pero sadyang marunong daw ang Diyos at pinahihintulot niya ang mga pagsubok sa ating buhay upang lumabas ang tunay na­ting karakter.

Ang gamot sa ating kawalan ng kapanatagan, sabi ng Simbahan ay ang matuto tayong magpasalamat sa lahat ng kabutihan ng Poon. Turo ng Iglesia, “When we practice the discipline of praise and thanksgiving, whether we feel like it or not, our gaze is lifted from our narrow focus of ourselves. We gain right perspective and begin to see ourselves as the Lord sees us!”

Napapanahon ang paanyaya sa ating buksan ang mga mata nang may panibagong pananampalataya at hayaan ang Diyos na gamutin ang ating pagkabulag. Hindi natin dapat aksayahin ang ating oras sa ‘pagtutuwid’ sa ibang tao sapagkat sa pagkakataon na matutunan nating mahalin sila sa Panginoon, nagiging mga katuwang tayo ni Hesus sa gawaing pagpapagaling.