Matapos ang magandang simula ng kababaihan sa Manila Megastack 11, dinomina naman ng kala­lakihan ang centerpiece event ng serye na nagtapos noong Marso 10 sa Okada.

Puro lalaki ang pumasok sa final table ng Main Event sa pa­ngunguna ng eventual champion na si Alex Xiang Lee ng Singapore na nagbulsa ng top prize na P3,173,000. Tinalo ni Lee sa heads up play si Sukwon Lee ng Korea na nag-uwi naman ng P1,934,000.

Magkaiba ang landas na tinahak ng dalawa sa final table. Malaki ang bentahe ng Singaporean sa umpisa ng final table sa hawak niyang 5,660,000 chips habang ang Koreano ay pangalawa sa kulelat sa pagpasok sa final table sa tangan na 480,000 chips.

Pumangatlo sa Main Event ang pambato ng Pilipinas na si John Tech. Si Tech na isa sa pinakama­tagumpay na poke player ng bansa ay nakasungkit ng premyong P1,174,500.

Ang iba pang Pinoy na pumatak sa Main Event ay sina Ivan Tabucal na pumang-apat at nanalo ng P884,000 at David Erquiaga na pumang-anim at nagbulsa ng P483,500.

Bago ipagdiwang ang International Women’s Day ay ibinandera ni Yuka Asaka ng Japan ang bandera ng kababaihan nang angkinin nito ang Kickoff Event. Pero hindi na masyadong nakaporma ang mga babaeng manlalaro sa mga sumunod na event.

Nakatutok na nga­yon ang atensyon ng mga manlalaro natin sa Manila Megastack 12 na nakatakdang ganapin mula Mayo 24 hanggang Hunyo 2 sa Okada pa rin.

Pero bago iyon ay siguradong marami pang tune-up event na puwedeng lahukan ang ating mga local player kaya hindi sila mababakante nang matagal.